Nabasa ko ito sa issue ngayon ng Funfare (Philippine Star). Sobrang nakakatawa dahil totoong totoo!
Top Signs of a Pinoy Flick (contributed by a certain Ronald Villaranda):
1. Kahit first time lang makahawak ng baril ang leading lady ay asintado ito sa barilan.
2. Laging nakakarinig ng “putok ng baril” ang kontrabida kaya natitigilan siya sa pag-rape sa leading lady. Dialogue niya, “Anong putok yun?! Halughugin ang buong lugar!”
3. Naka-leather jacket lagi ang kontrabida kahit Mayo at tanghaling tapat.
4. Kahit miyembro ng malaking sindikato at milyones ang kita nila, asahan mong bulok ang getaway car nila (muscle car na Mitsubishi o Toyota dahil pasasabugin yun ng mahiwagang baril ng bida).
5. Sobrang hinhin ng leading lady pero daig pa ang porn star kapag love scene na.
6. Napakalakas ng bida at kayang sugurin ang 30 miyembro ng sindikato kahit mag-isa lang siya.
7. Laging sa kaliwang braso ang tama ng bida pag nababaril (bawal sa ulo o sa puso).
8. Laging sa abandonadong building o lumang tambakan ng bus ang hideout ng kalaban. (instruction niya lagi na huwag mag-sama ng pulis ang bida).
9. Maluwag ang pagkakatali sa bihag ng sindikato kaya nakakawala ito at nakakakuha ng pambambo/pamalo (palo china o dos-por-dos na gawa sa styrofoam).
10. Gasgas na gasgas na ‘to: Huling darating ang mga pulis para damputin ang mga kalaban. Kakausapin ang bida para magbigay ng pabuya.
Ha! Ha! Alam kong lahat tayo ay nakanood na ng pelikula na may mga ganyang eksena…

Isa pang tatak ng pelikulang Pinoy ay ang di ko maintindihan na eksena kung saan, madalas pagkatapos ng lahat ng bakbakan at barilan, ay bago mamatay ang bida, nasasabi pa nya lahat ng gusto nya sabihin, lahat ng bilin o lahat ng “mahal kita”, bago malagutan ng hininga!
Lando [nangingisay na at duguan]: Giiinnaaa…
Gina: Andito ako, lando.
Lando: Ginaaa….may ibibilin akooong importante. Alam long malapiiiit na magwakas aaang buhay koooo…naraaaramdamaaan ko na.
Gina: Wag ka magsalita ng ganyan Lando…papunta na tayo sa ospital…ayan na…matitingnan ka na ng doktor…
Lando: Hindi naaa Gina…alaaaam ko katapusaaaan ko na…guuuusto ko lang sabihin naaa….
Gina: Wag ka na magsalita Lando…ipunin mo ang lakas mo…
Lando: Hindiii Gina…dapat mo malaaaaman….dapat mo malaman na maaahal na mahaaal kita….
Gina [hagulhol na]: Huuuuu……wag mo ko iwan Lando! Wag!
Lando: May ibibiiilin lang akong importaaaante…importante ito sa akin Gina..
Gina: Ano yun Lando?
Bida [hirap na magsalita]: Yunng….yuunggg….yunnng labada ko di pa naiisampay…baka makulob na….[hak! patay na!]
Sakto..naibilin pa nya ang labada bago namatay! Ang galing ano?
Napansin nyo rin ba na madalas, ang mga bida at ang pamilya o kaibigan o kapareha nito ay nag-ou-outing sa beach o resort? At take note, di lang basta outing, kailangan pang may production number. Ayun, habulan sa beach or sayawan sa swimming pool ang drama nila! Minsan, kahit hindi na sa beach or resort, basta kailangan may kantahan at sayawan! Bongga! [Sa totoong buhay ba may nakita na kayong gumawa nito sa beach?]

Juday and FPJ [kumakanta sa may mga puno]:
Ang isang pag-ibig ay parang lansangan
Na pangdalawahan
Kaya’t sa ating awit tayo ay mag-bigayan hah
Hah awitin mo at isasayaw ko
Oh hoh hoh hah awitin mo at isasayaw ko
Hah hah hah
Sa totoo lang, nakakahiya mang aminin, hindi pa ata lalampas sa lima ang pelikulang Pilipino napanood ko sa sinehan simula ng bata pa ako. Ang iba sa mga naalalala ko ay Sana Maulit Muli (Aga Mulach and Lea Salonga), Batang PX (Zsa-Zsa Padilla and Patrick Garcia), at Dito sa Pitong Gatang (FPJ), kung saan pinilit pa ako ng mga magulang ko. Alam ko my iba pa akong napanood, pero nakalimutan ko na.
Kung tutuusin, sa mga nagdaang mga taon, medyo nag-iiba na rin ang takbo ng istorya ng mga pelikulang Pinoy….nakaka-isip na rin ng ibang twists at eksena. Kung dati ay prediktable ang istorya, ngayon ay medyo hindi na. At marami na ring nakakatuwang panoorin, tulad ng A Very Special Love, na puro puri ang naririnig ko. Kung baga, talagang pinipilahan na at dumadayo na ang mga Pilipino para manood ng pelikulang Pilipino. Nakatuwa din kahit papano diba?
Kaya sa mga gumagawa ng pelikula [o kaya sa mga play sa school] na tinamaan ng “paratang” sa taas, trabaho lang, walang personalan. 
Maligayang linggo sa inyong lahat!
This entry was originally posted at kumarenggrace.i.ph.